Hanggang dito na lang ba ang ating pagtitiwala at pananampalataya? Hindi ba natin ipaglalaban ang ating paniniwala na may pag-asa pa sa kabila ng lubos na paghihirap; sa kabila ng kasamaan at kadiliman na bumabalot sa ating tahanan? Ang bansang ito ay isang pagpapala at ito rin ay pinagpala dahil sa habag at awa ng Panginoon. Sa mga araw, linggo, buwan, at taon na lumipas, nakita natin ang kabutihan at kapangyarihan ng ating Diyos Ama. Ni minsan ay di Niya tayo pinabayaan dahil ang mahalin tayo ay Kanya ring kalooban.Hindi Niya kayang tumigil na mahalin ang Kanya. Hindi Niya kayang iwanan ang mga taong nangangailangan ng Kanyang kalinga. Ang gobyerno man natin ay nagkulang (at nagkukulang), ngunit may mga hakbang naman na nakikita upang makamit ang hustisya at kapayapaan. Ang pang-matagalan na paglago ng ating bansa ay unti-unti na nating nakikita dahil ang katiwalian at pandaraya ay naisisiwalat sa pagtutulungan ng taong bayan.
Ito ang ating bansa, ang ating tahanan, ang ating responsibilidad. Sa bawat unos, ating napagtanto na kaya nating malampasan ang bagyo, lindol, pang-aabuso, at pagnanakaw kung tayo'y magtutulungan at magtitiwala sa Diyos. Sa ating mga panalangin, ating masusumpungan ang hinahanap na kabuuan ng ating pagkatao. Kaya't ang pagsuko ay di dapat isipin maliban na lang kung ang pagsukong ito ay ang pagsuko sa Panginoon. Ito ang aking paniniwala: may pag-asa at may panahon pa upang magkaroon ng katuwiran ang ating minamahal na bayan.
No comments:
Post a Comment